Ako ay may alaga. Ilang taon ko na siyang kinukupkop. Maraming takot sa kanya. Maraming may ayaw sa kanya. Pero dahil sa napamahal na ako sa alaga ko, hindi ko siya iniwan. Hindi ko siya pinabayaan.
Maraming beses na na naisip ko na iwan siya at palitan ng ibang alaga. Noon pa lang, nakita ko na na pwede akong saktan ng alaga kong ito. Pero andyan sya, tinitingnan ko at alam ko namang mahal ko pa rin siya.
Marami akong ibinasurang ibang alaga para lamang sa kanya. Mga alagang mas mabuti pa sana kay sa kanya. Pero dahil mahal ko ang alaga ko, siya pa rin ang pinili kong alagaan.
Pero dumaan ang mga panahon, at unti-unti kong nakikita ang tunay na kulay ng aking alaga. Ayaw na niyang paalaga sa akin. Sa bawat pagdaan ng araw nagpupumiglas siyang makawala sa kanyang hawla. Sinubukan ko siyang ibalik sa akin, pero bawat gawin ko ay balewala sa kanya. Nakalimutan ko na ang aking sarili, para lamang sa alaga ko. Pero hindi niya ito alam, at hindi niya ito nakikita. O kung alam man niya at nakikita, hindi niya pinapansin. Para sa kanya, kalayaan ang isinisigaw niya.
Sa bawat pagdaan ng araw, nahihirapan ako. Ngunit ngayon ay naunawaan ko na.
Ang ahas, kahit anong pag-aaruga ang ibigay mo, ay mananatiling ahas. Traydor, manloloko, manlilinlang. Muntikan na nga niya akong tuklawin para tuluyan ng patayin. Kaya ang ginawa ko, isang araw, pinakawalan ko na siya. Hinayaan ko na siyang pumunta sa mundo niya--doon sa kagubatan. Dito ako sa lugar ng kabihasnan at lugar ng mga tao, doon siya sa lugar niya.
Alam ko sa mga oras na ito, nakakita na siya ng ibang kauri niya, kung saan mas magiging masaya siya. Andun pa rin ang pagmamahal ko sa alaga ko, pero panahon naman para alagaan ko ang sarili ko.
Winter Skincare Must Haves
15 hours ago
0 comments:
Post a Comment