Dalawang lugar ang madalas kong uwian, isa sa boarding house at ang isa pa ay sa bahay namin sa probinsya. Pero kahit na dalwa ang inuuwian ko, isa lang ang tsinelas ko.
Ang tsinelas ko, mura lang siya pero hindi pa rin siya sira hanggang ngayon. Nasa boarding house lang siya kaya kapag umuuwi ako sa probinsya, nanghihiram lang ako sa kapatid at nanay ko. Kung tutuusin, mura lang ang tsinelas pero di ko makuhang bumili, hindi dahil sa attached ako sa tsinelas ko ngayon, kundi, wala lang, wala pa siguro ako sa mood at di ko naman kase nakikitang kelangan ko ng bumili ng isa pa.
Ngayon, bakit temang tsinelas ang blog ko? Inihahalintulad kase ang tsinelas sa tahanan. Palagi tayong lumlabas ng bahay pero sa bandang huli bumabalik pa rin tayo sa tahanan natin. Palagi tayong nagsusuot ng iba't ibang sapatos pero sa bandang huli, nagtsitsinelas pa rin tayo pag-uwi natin. Kagaya rin ng sa pag-ibig, marami tayong makikilalang tao pero dun pa rin tayo pupunta sa mahal natin na nararamdaman natin na at home tayo sa kanila.
Sino ang "tsinelas" ko? Masasabi kong si Mark na iyon. Para sa kanya ang blog na ito. Para kahit magkalayo kami at di ko magawang sumulat at maghulog ng sulat sa kanya araw-araw, dito pwede niyang balik-balikan ang mga kwento ko, yun nga lang sinala na ang mga kwento ko dito. Pero may mababasa pa rin siya sa pinakamatino kong paraan. Hanggang sa makasulat at matanggap niya ang mga personal kong liham sa kanya. Hanggang sa magkasama na ulit kami para ako na mismo ang magkukuwento sa kanya. Hanggang sa marinig na niya ulit ang boses ko at makita ang reaksyon niya habang nagkukuwento ako sa kanya.
Isa pang tsinelas ko ang sarili ko. Sarili ko kasama si God. Corny pero sa pagdaan ng panahon, natutunan kong tanggapin ang katayuan ko ngayon. Madalas hindi ko gusto ang ugali ko dahil sa mga pagkakamali at minsanang pagkakatama ko, pero naniniwala akong mas mabuti ako ngayon kesa kahapon dahil natututo ako sa bawat araw na dumadaan. Na kahit mag-isa ako palagi at malayo sa totoo kong bahay sa probinsya, nakakayanan ko kase meron akong tahanan sa sarili ko.
Have A Holly Jolly Holiday
2 days ago
0 comments:
Post a Comment