Sa tuwing tinitingnan ko ang aking puso, madalas ko siyang makitang may pasa o sugat o dumudugo dala ng mga pangyayari at mga taong nakapaligid sa akin at ng mga taong malalapit sa akin. Minsan kakaiba itong puso ko, konting haplos ng mga ibang nagmamahal sa akin, kahit gaano kabuti, masakit pa rin. Ito ang dahilan kung bakit ako umaalis o lumalayo sa kanila. Gusto ko silang lumapit pero sa tuwing hahawakan nila ang puso ko para haplusin, nasasaktan ang puso ko.
Maraming taon ang lumipas pero ganoon ang nangyayari. Ngunit kahit ganoon ang nangyayari, nananatili pa rin nila akong mahal, at nananatili pa rin ang pagmamahal ko sa kanila.
Hanggang sa tila hindi na ako makakilos at lubha na akong nalilito. Pinag-isipan ko kung bakit ako nagkakaganito at bakit ganito ang disposisyon ko sa buhay.
Maraming taon na ang nakakaraan ng may itinanim akong pagmamahal sa puso ko--pagmamahal sa taong pinakamahalaga sa buhay ko. Pero ang dami kong ginawang maling paraan. Mali ang ginawa kong paraan ng pagtatanim. Pinilit ko kase eh. Kinuha ko ang tangkay ng pagmamahal niya at itinanim sa puso ko. Itinarak ko siya sa puso ko. Halos nagutay-gutay ang puso ko. Pero okay lang, mahal ko siya sabi ko. At dun na nga, sa tuwing uusbong ang pagmamahal niya nasasaktan ang puso ko. Sa mga bawat ugat na humahaba, sa bawat pagtaas ng pagmamahal niya, parang nasisira ang puso ko. Sa halip na maging komportable ang pagmamahal na iyon, nagsilbi pa itong tinik sa puso ko.
Unti-unting nawawasak ang puso ko. Nakakatakot na baka hindi ko na ito magamit pa. Kaya nagpasya akong bunutin siya. Magiging mahirap ang paghilom sa wasak ko ng puso. Matagal siguro bago siya mabuong muli. Ang tamang paraan kasi ay dapat patubuin ko muna ang pagmamahal sa puso ng taong iyon. May kakayanan ang bawat puso na magpausbong ng pagmamahal. Na hindi sa paraan ng pagtarak at paghuhukay, kusa itong uusbong sa puso ninuman. May kakayahan din itong magpalago ng mga sanga na siyang babalot sa puso ng sinumang naisin niyang mahalin. Ang mga sangang ito ang siyang magaalaga at magbibigay lakas sa ibang puso. Mangyayari lang iyon, kung ang mismong puso ng taong inusbungan ng pagmamahal na iyon ay binalutan na rin ng sarili niyang sanga. Kailangang mahalin muna niya ang sarili niya bago siya tuluyang makapagmahal ng iba. Para mas matibay.
Ang nangyari kasi sa akin, hindi ko pa nababalutan ng pagmamahal ang sarili ko, tinarakan ko pa ng pagmamahal. Akala ko iyon ang tama, pero hindi pa pala. Kaya ngayon, pipilitin kong magsimula muli. Hahayaan ko munang maghilom ang puso ko. Pagkatapos babalutan ko ng pagmamahal ito hanggang sa makaya kong magbalot ng pagmamahal sa ibang tao.
Paano maghihilom ang mga sugat ko? Marami akong mga kakilala na nagbibigay ng pagmamahal sa akin sa tamang paraan. Kaya pala masakit kapag sinusubukan nilang haplusin ang puso ko, may malaking sugat at tinik pala sa puso ko. Pero hindi naputol ang pagmamahalan namin dahil sa tamang paraan ito umusbong. Andyan din ang Diyos. Siya ang aking doktor. Andyan ang luha ko na panlinis sa sugat. Mga ngiti na nagbibigay sustansya sa puso ko. Kakayanin ko ito.
At sana kapag handa na ulit akong magmahal, handa na rin siya. Ngunit kung hindi pa, o kung nauna na siya, masyado akong mahal ng Diyos. Bibigyan Niya ako ng ibang nararapat sa akin.
Masakit. Mahirap. Pero kaya ko ito.
Pastina Soup (aka Italian Penicillin)
9 hours ago
0 comments:
Post a Comment